“Oy, Totoy,” sita ni Tatay sa pilyong titirador sana sa maya. Nabulabog  tuloy ang ibong inaasinta. Lumipad ito malayo sa kawad ng kuryenteng  pinagdapuan.
Nagtaka ang bata. Sino ba ‘tong mamang sumira sa diskarte niya? Lumingon  siya kay Tatay. Hindi nagsalita si Tatay pero nakakunot ang kaniyang  noo. Ayaw niyang sinasalbahe ang mga kalahi niya.
Nahulaan na ng bata kung bakit siya tinawag. Itinago agad nito sa bulsa  ang tangang tirador at saka kumaripas ng takbo.
Iiling-iling si Tatay. “Kawawang bata,” sabi ni Nanay. “Buti nga sa  kanya,” sabi naman ng bunso naming si Ami.
Kahit bagong lipat kami, kilala na si Tatay dito sa baryo. Trabaho niya  kasing magturo sa mga tao. Di ko lang maintindihan kung ba’t kelangan  pang magturo si Tatay ditto. Hindi naman talaga siya titser. Ang layo  layo na tuloy naming sa Fiesta Carnival, sa Luneta, sa Manila Zoo at  saka sa mga dati naming kalaro.
Kapag nagtuturo si Tatay, ganito ang mga madalas kong marinig sa kaniya:  Dapat i-recycle ang basurang pwede pang i-recycle. Hindi dapat itong  itapon sa ilog. Dapat alagaan ang ilog. Dapat magtanim ng mga puno.  Hindi dapat basta-basta pinuputol ang mga puno.
Kahit sa bahay, maraming mga dapat at hindi dapat si Tatay. Dapat gawin  ang mga assignment. Hindi dapat lumabas hanggang hindi ito natatapos.  Dapat matulog nang maaga. Hindi dapat magpuyat sa TV. Dapat tumulong sa  gawaing bahay. Hindi dapat umiskapo, umiwas o manggulang. Ang daming mga  dapat at hindi dapat. Kung minsan nga, tingin ko, paulit-ulit lang si  Tatay. Tingin ko lang naman ‘yon.
Bukod do’n, kilalang-kilala rin si Tatay sa pagiging matipid. Hindi lang  mag puno sa gubat ang gusto niyang tipirin. Pati panggupit sana naming  sa barbero natitipid. Siya na kasi’ng nagkukusang gumupit sa buhok  naming. Kaso, iisang gupit lang ang alam gawin sa akin ni Tatay. Gupit  army. Kaya madalas akong biruin sa eskuwelahan. Madalas akong  sinasaluduhan.
Pero kahit gano’n si Tatay, Tatay ko pa rin ‘yon. Ang dami ko na yatang  natutunan do’n.
Bukod kasi sa pagtuturo, trabaho rin ni Tatay ang mag-aral.  Pinag-aaralan niya ang paglipad ng mga lawin, ang pangingitlog ng mga  loro, ang pag-aasawahan ng mga kuwago, mga kalaw, mga kalapating bundok  at kung anu-ano pang mga ibong sa larawan ko lang nakikita. Hindi lang  binabasa ni Tatay ang mga ito sa libro. Pinupuntahan pa niya sa kanilang  mga tirahan ang mga ibon at kinukumusta ang kanilang kalagayan. Pag-uwi  ni Tatay, lagi siyang may dalang litrato ng mga ibon at lagi rin siyang  may kwento tungkol sa mga ito.
Sabi ni Tatay, nanganganib daw na mawal ang mga ibong ito. Nakakalbo na  kasi’ng mga gubat at nalalason na’ng mga ilog. Baka bukas sa litrato na  lang naming sila makikita.
Si Tatay din nanganganib nang mawala. Unti-unti na rin naming siyang  hindi nakikita. Katunayan, nababawasan na’ng mga dapat at hindi dapat sa  bahay. Nakakadalaw na rin kami sa barberya ’pag humuhaba na’ng buhok  namin. Masaya sana ‘yon.
Pero nung grumadweyt sa kinder si Amihan, wala si Tatay. Nasa Tawi-tawi  siya kasama ang mga salagunting. Sayang dahil may Best in Science pa  no’ng natanggap si Ami.
Pero pag-uwi ni Tatay, dala niya ang litrato ng mga salagunting. Sa  litrato pa lang, nahulaan ko na kung ba’t ito tinawag nang gano’n. Mukha  kasing nakabukang gunting ang mga katawan nila ‘pag lumilipad.
Sabi ni Tatay, nakita daw nila ang mga ito habang sumusunod sa  sinasakyan nilang barko. Nakakatuwa raw panoorin ang mga ito habang  hinahabol ang iba pang mga ibong-dagat at nakikiagaw sa mga huli nitong  pagkain. Great Frigatebird ang tawag daw sa kanila sa Ingles.
“Fregata mino,” pag-uulit naman ni Ami sa scientific name. Akala kasi  niya, matalino ang batang nakakatanda ng scientific name.
Ako naman ang tagatanda ng mga pangalan sa Filipino Madala, walang  pangalang Filipino ang mga ibon kahit sa Pilipinas sila nakikita. Di ko  alam kung ba’t gano’n. Konti lang tuloy ang dapat kong tandaan.
Si Nanay naman anf tagatabi ng litrato ng mga ibon sa album. “Para kung  sakaling sa litrao na lang talaga natin sila makikita, mayroon na tayong  album nila,” sabi ni Nanay. Nagbibiro lang siguro si Nanay. Pero  nagunot agad ang noo ni Tatay.
No’ng manalo ang team namin sa basketball, wala uli si Tatay. Nasa  Palawan siya kasama ng mga tandikan. Pwede naming hindi manood ng laro  ang mga tatay. Pero sayang din dahil hindi niya nakita kung gaano ako  kahusay mag-dribble at mag-shoot.
Pero pag-uwi ni Tatay, dala naman niya ang litrato ng isang mag-asawang  tandikan. Mas mahaba ang palong at buntot ng lalaking tandikan. Kulay  asul at berde ang balahibo nito. May parang mga matang nakahilera pa sa  ng buntot.
Tatlong araw daw nilang hinanap ang mga ito sa loob ng gubat. Napakailap  at napakatinik daw kasing tumakas. Wala pang iniiwan kahit anong bakas.  Peacock-Pheasant ang tawag sa kanila sa Ingles, sabi ni Tatay.
“Polyplectron emphanum,” nabubulol na sabi ni  Amihan.
“Laging kasama ng mga ibon si Tatay n’yo,” biglang hirit naman ni Nanay,  “kaya isasama ko na rin ang picture niya dito sa album.
“Taong-ibon si Tatay?” tanong ni Ami.
Taong-ibon nga si Tatay. Kung san-saang lugar nakakalipad. Minsan,  nando’n. Minsan, biglang nandito. No’ng Araw ng mga Tatay naman, wala  uli siya. Akala ko pa naman ipapasyal niya kami sa Maynila. Pero nasa  Palawan uli siya kasama ng mga kalangay. Si Nanay na lang ang nagpasyal  sa amin sa Maynila. Sa Fiesta Carnival, halos lahat ng mga bata kasama  ang kanilang mga tatay.
Pag-uwi ni Tatay, dala niya ang litrato ng mga kalangay. Pero hindi na  ako sabik na marinig ang kwento ng kalangay o makita ang litrato nito.  Ayaw na rin ni Amihang tandaan ang scientific name nito. Kaya tahimik na  lang na itinabi ni Nanay sa album ang litrato ng ibon.
No’ng bertday ko, wala uli si Tatay. Pero alam naman ni Tatay ang gusto  ko sa bertdey ko. Baka pag-uwi niya, dala na niya’ng Voltes V na totoong  nakakalas sa lima at nagagawang mga sasakyan.
Kahit wala si Tatay, di ako nalungkot. Naghanda yata ng paborito kong  pansit Malabon at pritong manok si Nanay.
Nakaupo na kami sa harap ng mesa. Naro’n na ni Nanay at Amihan. Naro’n  na rin pati si Lolo at Lola na dumadalaw no’n. Pero parang may  hinihintay pa rin kami sa mesa.
“Nasa’n ang asawa mo, Eden?” tanong ni Lola kay Nanay.
“Naku, baka bukas pa uuwi si Greg,” sagot ni Nanay.
Nasa Davao kasi si Tatay kasama ang Haring Ibon.
Kinabukasan, hapon na nang nakauwi si Tatay. Pagod na pagod siya sa  biyahe. Kaya hinayaan namin siyang matulog ng matulog. Walang nag-iingay  sa bahay. Ni hindi kami nagbukas ng radyo o TV.
“Baka bukas pa magigising si Tatay,” bulong ni Nanay.
“E di bukas na niya mababati ng hapi bertdey si Kuya,” dugtong ni  Amihan. Ang totoo, hindi ko naman talaga masyadong iniisip ‘yon.
Kinabukasan, maagang-maaga akong ginising ni Tatay.
“Atom, may sorpresa ako sa’yo,” sabi niya. Tuluyan na ‘kong napabangon  nang marinig kong may sorpresa.
Sumunod ako kay Tatay sa sa sala. Naro’n na sila Nanay at Amihan.  Pupungas-pungas pa ng mata si Ami. Ginising din pala sila ni Tatay para  sa sorpresa.
Tumingin ako sa orasan. Ala-singko palangpala ng madaling-araw. “Ang  dilim-dilim pa, Greg,” sabi ni Nanay. “Bakit ginising mo pa ang mga  bata?”
Hindi sumagot si Tatay. Pero sabik niya kaming inakay sa labas ng bahay.  Kinukuro-kurot ko pa ang sarili ko. Baka kasi nananaginip lang ako.
Basang-basa pa ng hamog ang aming nilalakaran. Mukhang sa katabing burol  kami pupunta. Bakit kaya kami pupunta roon?
Pag-akyat namin sa burol, bahagya nang sumisilip ang araw. Pero nasa  langit pa rin naman ang buwan na parang may pahid pa ng putting icing  ang mukha. Sa malayo’t malapit, may mga tandang na bumabati sa bagong  araw.Mas malamig ang hangin ditto sa itaas. May hinihintay kami pero  hindi namin alam kung ano. Nang napansin kong may dala palang largabista  si Tatay.
Maya-maya may itinuro sa langit si Tatay. Kinarga pa niya si Amihan para  lalong iyong Makita. Nakatingala kaming apat. Tahimik. Kahit ang  maiingay na mga tandang, sandali rin nagsitahimik.
“Nasaan? Nassan?” tanong ni Nanay. Inabot sa kaniya ang largabista.  “Ayun, o.”
“Ayun nga! Sa malayo, natanaw ko ang isang maliit na tatsulok na  lumulutang sa mga ulap. Para itong isang layag ng bangkang lumalapit sa  amin. Maya-maya’t alam ko ng kung ano’ng bumubuo sa layag na iyon. Isang  langkay ng mga tagak. Isa, dalawa, tatlo… siguro limpmpu o mas marami  pa.
Si Ami naman ang sumilip sa largabista. Sumunod si Tatay. Sumonud ako.
Sabay-sabay ang kumpay ng kanilang mga nakaarkong pakpak. Parang sayaw  na sumusunod sa iisang kumpas. At parang isan mag-anak ng mga sirkero,  sama-sama nilang binubuo sa ulap ang higanteng V. “Victory!” sigaw ni  Ami.
Sa ilalim ng kanilang mga pakpak, tahimik na dagat ang mga ulap.  Umilalim ang ibang mga ibon at nagging parang isang higanteng laso naman  ang kanilang V. Isang kawan ng mga regaling lumilipad!
Sandaling huminto ang kanilang mga pagkampay. Pinanatili  nila ang pagkakadipa ng kanilang mgapakpak. Kaya nilang manatili sa  hangin sa gano’ng posisyon. Talo si Voltes V ditto.
Pagkampay uli nila, lalo nilang tinaasan ang lipad. Ang mga  ulap naman ngayo’y parang bundok nilang inaakyat-bundok ng maglalabay ng  mga puno sa panaginip ni Tatay. Binuo uli nila ang higanteng V.
Saan kaya sila papunta? Baka uuwi na sila. Baka sa China o  sa Europe o mas malayo pa. Saan ‘yon? Humilig ang higanteng V. Parang  sinasagot nila ang tanong ko. A, doon sila papunta. Doon sa itinuturo ng  kanilang V. Doon sa gawing sinisikatan ng araw.
“Egreta alba,” turo ni Tatay kay Ami. Inulit ito ni Ami  habang hinahaplos-haplos ang mukha ni Tatay. Paano kayang nahulaan ni  Tatay na ditto magdaraan ang mga ibon?
Nakalayo na ang kawan ng mga tagak. Humalo na puting kulay  nila sa mga ulap na pinapapula ng araw, hindi ko pa rin masagot kung  pa’no nahulaan ni Tatay ang lahat.
Ibinaba na ni Tatay si Ami. Agad sumama si Ami kay Nanay at  nauna sila sa pagbaba sa burol.
Nilapitan ako ni Tatay. “Anak, hapi bertdey,” bati niya  habang ginugulo ang buhok ko. “Sa susunod na Makita mo uli ‘yong nakita  mong ‘yon, baka binata ka na,” sabi pa niya. Nang napansin niya na  humahaba na pala uli ang aking buhok.
from facebook note from a friend