June 30, 2011

Hindi kailanman magbabago ito: kayo pa rin ang boss ko.

A sense of drift pervades the Philippines. Despite his noble intentions, President Noynoy, has not yet articulated a governing philosophy. His politics has been all about tactics with no strategic framework to describe the state of the country.

Will Noynoy maintain his "laid-back" leadership style in the face of the alarming crime rate?

The EQualizer Post politely called it Benigno’s “Benign Neglect” policy.

Dictionary Definition :
A policy or attitude of ignoring a situation instead of assuming responsibility for managing or improving it.



SPEECH OF HIS EXCELLENCY BENIGNO S. AQUINO III

PRESIDENT OF THE PHILIPPINES ON THE ANNIVERSARY OF HIS FIRST YEAR IN OFFICE
(June 30, 2011)

Isang taon na rin nga po pala lumipas. Naaalala pa po kaya ng lahat ang pinagdaanan natin? Dati, kapag nakarinig ka ng wangwang sa kalsada, wala kang magawa kundi tumabi. Ang pinakamatayog mong pangarap ay makakuha ng VISA para makapagtrabaho sa ibang bansa. Matutulog ka nang mahimbing, ngunit gigisingin ka ng bahang halos umabot na sa iyong higaan, dahil wala man lang babalang ipinaabot sa iyo ang PAGASA. Ilan po ba sa atin ang sumuko na at nagsabing wala na sigurong makakamit na hustisya ang limampu’t pitong Pilipinong minasaker sa Maguindanao?

Naalala po ba ninyo ang panahon kung kailan kapag may maririnig kang masamang balita, di mo man lang makuhang umiling dahil alam mong may mas masahol pang parating? Noon, sabay-sabay ang mga Pilipinong magbuntong-hininga: tiisin na lang natin, tutal patapos na rin naman ito. Di po ba’t nabigla tayong lahat nang umangat ang ekonomiya bago mag-eleksyon nung isang taon—iyon po pala, kaya umangat, nakaantabay na, hindi lang tayo kundi ang buong mundo, sa pagbaba ng administrasyong Arroyo, at sa napipintong pagtatapos ng kalbaryo ng Pilipino. Di po ba’t parang kahapon lang nang iabot ninyo sa akin ang naghihingalong liwanag ng pag-asa, at tinawag ninyo ako upang ipaglaban ang daang matuwid?

Sa panahon pong tinawag ako ng taumbayan, ni isang karatula o polyeto ay wala pa po akong naiimprenta, dahil wala po talaga akong kabalak-balak tumakbo. Hindi ko po inambisyon na sagupain ang dambuhalang problema na ipapamana ni Ginang Arroyo—mga problemang pilit kong hinadlangan noong nasa Kamara at Senado pa ako. At nakita ko na rin naman, sa karanasan ng pumanaw kong ina, kung gaano kabigat ang tungkulin ng isang Pangulo, lalo pa kung mamanahin niya ay sistemang nilapastangan. Tinanong ko ang aking sarili: kakayanin ko kayang kumpunihin ang lahat ng ito?

Malalim ang pagmumuning dinaanan ko bago tumugon sa inyong panawagan. Ngunit nang abutan po ako ng garapong puno ng barya para lamang makatulong sa kampanya; nang salubungin ako ng madlang di man lamang makabili ng payong na panangga sa init ng araw; nang sinabi ninyo sa aking hindi ako nag-iisa—hindi ko po ito nasikmurang tanggihan. Hindi ko kinayang sabihin na, “pasensya na kayo, naduwag lang ako, at gusto ko pa sanang humaba ang buhay ko.” Ang sinabi ko po: Pilipino, kasama mo ako. Itutuwid natin ang baluktot, tatanggalin natin ang tiwali, at itatama natin ang mali.

At narito po tayo ngayon, isang taon matapos markahan ang wakas ng pamahalaang bulag at bingi sa hinaing ng kanyang mamamayan. Ipinasa po sa atin ang isang tahanang lumulundo ang kisame at bitak-bitak ang mga pader. Kinahoy na nga po ang mga muwebles, ipinangutang pa ang pamalit. Ang masaklap niyan, alam kong mamanahin natin ang mga utang na iyon, sampu ng lahat ng dumi na ikinalat nila.

Ang pinangangambahan nating pangit na daratnan, mas sukdulan at kasuklam-suklam pa pala ang tunay na kalagayan. Halimbawa: mula 1972 hanggang taong 2000, umabot sa 12.9 billion pesos ang utang ng NFA. Nang dumating si Ginang Arroyo, sa loob lamang po ng isang taon, naiangat niya ang utang na iyan sa labingwalong bilyong piso. Hindi pa po siya nakuntento, pagbaba niya sa puwesto, nasa 177 billion pesos na po ang utang na iyan. Isanlibong porsyento po ang itinaas ng utang ng NFA: record-breaking po talaga ang ginawa nilang pagbabaon sa atin sa utang.

Ganitong uri ng administrasyon ang humihikayat sa ating kilalanin ang kanilang mga nagawa, at tumuntong sa kanilang mga balikat. Ganitong uri ng administrasyon ang nagsasabing wala daw pagbabago, at sa malalim na bangin lamang tayo dadalhin ng tuwid na daan. Magpapaloko po ba tayo sa pagpupumilit nilang padudahin tayo, para sa pagkalito natin, magkaroon ng puwang na bumalik ang lumang sistema?

Hindi na po ako magsasayang ng panahon para makipagbangayan sa kanila. Nagpapasalamat na lamang po ako sa pag-amin ni Ginang Arroyo na kabaliktaran niya ako. Sa wakas, nagkasundo rin po tayo.

Hahayaan ko na lamang tumugon ang dalawampu’t isang libo at walong daang (21,800) pamilya ng sundalo at kapulisan na maaari na ngayong magkaroon ng disenteng tahanan bago matapos ang taong ito.

Hahayaan ko na lang tumugon ang mga maralitang kababayan nating nakarehistro na sa Conditional Cash Transfer program. Apat na araw mula ngayon, sasaksihan ko po mismo ang paglagda ng ika-dalawang milyong benepisyaryo ng CCT.

Hahayaan ko na lang din pong tumugon ang halos dalawandaan at apatnapung libong (240,000) magsasaka na nakikinabang na ngayon sa mahigit dalawang libong (2,000) kilometrong farm-to-market roads na nailatag natin sa loob lamang ng isang taon.

Sila nga po ang tanungin natin? Di ba’t malinaw ang pagbabago? Noon pong isang taon, barko-barkong toneladang bigas ang inaangkat, at katakut-takot din ang gastusin sa mga bodegang pinagtatambakan nito. 1.3 million metric tons lang po ang kailangan natin pampuno sa kakulangan ng ating ani, pero umangkat sila ng dalawang milyong metriko tonelada. Ngayon po, halos kalahati na lang ang inaangkat nating animnaraan at animnapung libong metriko tonelada.
Hindi po tayo nag-magic para dumami ang bigas na inaani natin dito: itinutok lang po natin ang pondo ng irigasyon sa kung saan ito pinakamura at mabisa; pinalawak ang paggamit ng maiging klase ng binhi; at pinalawig din ang upland rice farming. Lahat po ito, nagdulot ng dagdag na labinlimang porsyento sa ating inani noong huling taon, at ng pinakamataas na ani sa kasaysayan ng dry season cropping. Noon pong isang taon, ilan po ba sa atin ang nangahas mangarap na ang bigas na ating isasaing, dito rin sa Pilipinas itatanim, aanihin, at bibilhin. Mukhang pong matutupad ang ipinangako ni Secretary Procy Alcala na bago matapos ang 2013, hindi na natin kailangan pang mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa.

Mantakin po ninyo: dahil sa tamang paggugol at pagtapal sa mga sugat sa sistema na tinatagasan ng pera, nakalikom tayo ng dagdag na pondo upang magpatupad ng programang higit pa sa napaglaanan sa ating General Approprations Act. Nagawa natin itong walang itinataas na buwis. Labindalawang bilyong piso na po ang tumutustos sa ating mga pangangailangan: mula sa Pantawid Pasada sa mga pampublikong sasakyan na tinamaan ng pagtaas ng presyo ng langis; hanggang sa pampasahod ng sampung libong (10,000) nurse na nakadestino sa mga maralitang lalawigan; mula sa pambili ng mga modernong barko na magtatanod sa ating mga baybayin; hanggang sa marami pang ibang mga programa at proyektong totoong napapakinabangan ng bayan.

Isipin na lang po ninyo kung hinayaan lang natin ang walang-saysay na paglustay sa kaban ng bayan. Baka po naglalakad na lang ang mga tsuper natin. Baka po ang mga nakaratay sa mga lalawigan ay nananatili pang ngumunguya ng dahon para lunasan ang kanilang mga karamdaman. At baka po patuloy na ngang miski mga isda ay hindi man lang masindak sa ating Hukbong Pandagat.

Pabahay, bigas, seguridad, pasahod, kalsada, pantawid pasada, at salbabida para sa mga kababayan nating nilulunod ng kahirapan: iyan po ang pagbabagong inaani natin ngayon. Hindi naman po natin nahukay ang kayamanan ni Yamashita para maipatupad ang mga ito. Hinabol lang po natin ang mga tiwali sa gobyerno, itinama natin ang pag-gugol ng pera, at itinuwid natin ang mga baluktot sa sistema.

Tingnan nga lang po natin ang ginawa nila sa Philippine National Construction Corporation: ni hindi nga po nila magawang mag-remit ng disenteng kita sa taumbayan, may kapal ng mukha pa silang umentuhan ang kanilang mga sarili. Limang pahina po ang memo na ipinasa sa akin ng bagong mga opisyal ng PNCC, na nagdedetalye ng mga katiwaliang kanilang naungkat at isinaayos: mula sa mga walang-katuturang posisyon na pinasasahuran ng kalahating milyon kada buwan, hanggang sa mga cellphone plan na wala namang silbi sa kanilang katungkulan; mula sa mga kagamitang ibinebenta ng palugi para lamang kumapal ang kanilang bulsa, hanggang sa mga inimbento nilang fixed allowance na hindi bababa sa siyento mil kada buwan; lahat po iyan ay itinigil natin. Kaya naman ang dating monthly expense na 22 million, naibaba natin sa 11 million.
Isa pa pong halimbawa itong kalokohang natuklasan natin sa PCSO. May pera sila para mag-over-budget sa patalastas na nagbabalandra ng mukha ng politiko sa telebisyon, pero wala silang pera para magbayad ng tatlong bilyong pisong utang sa mga ospital ng gobyerno. Dahil sa utang na di mabayaran—dahil sa katiwalian—ang mismong ospital na pinopondohan ng gobyerno, ayaw nang tanggapin ang garantiya ng kapwa nila sangay ng gobyerno. Di po ba’t sasakit din ang batok ninyo sa kalakarang ito? Pagsisiwalat sa kalokohan, sa halip na pakikisawsaw sa katiwalian: ito po ang pagbabagong sinasabi natin.

Alam ko rin pong marami sa atin ang nag-aapurang anihin na ang mga bunga ng naipunla nating reporma. Di ko naman po masisi ang taumbayang dumaan sa isang dekada ng katiwalian, at ayaw nang maniwalang posibleng magkaroon ng gobyernong handang tumahak sa tuwid na daan. May ilan pong nahihirapang mapagtanto na kailangan nating magtulungan, magsaluhan, at mag-ambagan para maabot ang ating mga mithiin. Alam ko po ang pinanggagalingan ninyo: Ako man po ay nangangarap na bukas makalawa ay magising tayong may solusyon na ang bawat problemang minana natin. Ngunit alam ko pong mulat din kayo na wala ring maitutulong ang mabilisan, ngunit walang bisang solusyon. Kailangan ang maingat na paglalatag ng reporma, ang pagsigurong epektibo ang ating mga programa, at ang pangmatagalang mga tugon na hindi na magpapamana ng problema sa susunod na salinlahi.

Simple lang naman po, hindi ba? Nakita naman natin kung paano tayo nagdusa noong nakaraan, at nakikita rin natin ang situwasyong gusto nating makamit sa kinabukasan. Di po ba’t ngayon, buong-loob na nating pinupunan ang puwang sa pagitan ng “sana” at ng “kaya”, at nakikilahok na rin ang bayan upang ang ating mga mithiin ay maabot na sa wakas? Di po ba’t ngayon, nasaang panig man tayo ng usapan, ang nagbubuklod pa rin sa atin ay malasakit para sa bayan? Ngayon po, bawat kibot natin, nasusundan na. Minsan nga po, nagtataka ako: kung may isyu at magtikom ka ng labi, di maubos ang batikos sa iyo. Kapag naman naghayag ka ng kuro-kuro, pakialamero ang bansag sa iyo. Kulang na lang po, hatiin ko ang aking katawan at maging manananggal na lang ako.

Sinabi ko po sa inyo noong araw: kung walang corrupt walang mahirap. Katumbas ng tamang pamamahala ang direktang benepisyo sa taumbayan, lalo na sa mga kapos sa buhay: bawat tableta ng gamot na pinopondohan ng gobyerno para sa ating maralitang kababayan, bawat pulgada ng kalsada, bawat pagkakataong makahanap ng disenteng pagkakakitaan—lahat po iyan ay bunga ng integridad at malasakit ng inyong pamahalaan. Maliwanag po ang patutunguhan natin, at diretso tayong tutungo doon. Ang serbisyong nakalaan para sa inyo ay dumarating sa inyo: hindi napupunta sa bulsa ng mga naghahari-hariang ampaw.

Malayo na po ang narating natin sa loob lamang ng isang taon. Isipin na lang po ninyo kung gaano pa katayog ang mga maaabot natin sa susunod na limang taon. Saksi ang Pilipino at ang buong mundo: Nagbubunga na ang pagbagtas natin sa tuwid na landas. Ngayon pa ba tayo aatras?
Sinisikap pa rin pong buwagin ng mga tiwali ang pananalig na nagtulak sa aking tumugon sa inyong panawagan, at nagbunsod sa ating tagumpay noong nakaraang halalan. Inasahan po natin ito, at alam kong nasa likod ko pa rin kayo sa pakikipagsagupa natin sa mga mapang-api. Sinabi ko po dati: kayo ang aking lakas, ang lakas na bukal ng mga tagumpay na inaani na natin ngayon, at ng tuluyan at napipinto nating pagpitas sa katuparan ng ating mga pinapangarap. Hindi kailanman magbabago ito: kayo pa rin ang boss ko.

Magandang hapon po. Mabuhay tayong lahat.

Article from: The EQualizer Post

No comments: