Pres. Aquino: Sinabi ko noon na wala ng 'wang-wang,' naging hudyat ito ng pagbabago hindi lamang sa kalsada pati na rin sa kaisipan. Ang mga dapat naglilingkod ang siya pang nang-aapi. Wala silang karapatang gawin ito. Gusto niyo bang matanggal ang tiwali? Ako rin po. Gusto niyo bang mabigyan ang lahat ng pagkakaon na umasenso. Ako rin po.
PNoy: Sa larangan ng negosyo, sinong mag-aakalang pitong ulit malalampasan ang all-time high ng stock market? Mula sa 20% noong Marso ang self rated hunger index bumaba sa 15.1% nitong Hunyo.
PNoy: Gumanda at lalo pang gaganda ang ekonomiya sa Pilipinas, wala pong tigil ang ating economic team para tuluyang umarangkada.
PNoy: Nakikita naman po ninyong napupunta na sa tama ang buwis ninyo, kaya wala na pong dahilan upang iwasan natin ang pagbabayad. Nananawagan po ako sa inyo: Hindi lang po gobyerno, kundi kapwa natin Pilipino ang pinagkakaitan sa hindi pagbabayad ng tamang buwis.
PNoy: Sa sistemang pinaiiral ngayon sa DPWH, nakatipid na tayo ng dalawa’t kalahating bilyong piso, at umaasa tayo na aabot pa sa anim hanggang pitong bilyong piso ang matitipid sa taon na ito.
PNoy: Ang pinakamahalaga po, nakakaasa na tayo sa mga kalsadang matino, hindi ‘yung maambunan lang ay lulundo o mabibiyak agad. Paniwala natin dati, imposibleng maitama ng DPWH ang sistema nila. Hindi lang po ito posible; sa unang taon pa lamang, ginagawa na natin ito.
PNoy: Ilang taon bang walang saysay na pinasobrahan ang bigas na inaangkat? Dahil dito, umiral ang pag-iisip na habambuhay na tayong aangkat ng bigas. Ang akala ng marami, wala na talaga tayong magagawa.Ngunit sa loob lamang ng isang taon, pinatunayan nating mali sila.
PNoy: Ngunit sa loob lamang ng isang taon, pinatunayan nating mali sila. Ngayon, ang dating 1.3 million metric tons na kakulangan natin sa bigas, halos nangalahati na; 660,000 metric tons na lang po ang kailangan nating angkatin.
PNoy: Ang gusto nating mangyari: Una, hindi tayo aangkat ng hindi kailangan, para lang punan ang bulsa ng mga gustong magsariling-diskarte ng kita sa agrikultura. Ikalawa: Ayaw na nating umasa sa pag-angkat; ang isasaing ni Juan dela Cruz, dito ipupunla, dito aanihin, dito bibilhin.
PNoy: Mayroon pa raw pong mahigit isang libong bahay na natitira, kaya po sa mga pulis at sundalo nating di pa nakakapagpasa ng papeles, last call na po para sa batch na ito. Pero huwag po kayong mag-alala, sa susunod na taon, lalawak pa ang ating pabahay, at hindi lang pulis at kawal sa Luzon ang makikinabang.
PNoy: Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa buong mundo: Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas
PNoy: Tama nga po kaya ang kuwento tungkol sa isang stand-off noong araw? Tinapatan daw ang mga marino natin ng kanyon. Ang ginawa nila, pumutol ng puno ng niyog, pininturahan ito ng itim, saka itinutok sa kalaban. Tapos na po ang panahong iyan.
PNoy: Literal na pong naglalakbay sa karagatan papunta rito ang kauna-unahan nating Hamilton Class Cutter, isang mas modernong barko na magagamit natin para mabantayan ang ating mga baybayin.
PNoy: Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang atin.
PNoy: Malas ko lang po siguro na ‘yung isa o dalawang kaso ng carnapping ang nai-heheadline, at hindi ang pagbawas sa mga insidente nito o ang mas mataas na porsyento ng mga nanakaw na kotse na naibalik sa may-ari.
PNoy: Isa pa pong halimbawa ng pagbabagong tinatamasa natin: Mayo ng 2003 nang lagdaan ang Anti-Trafficking in Persons Act, pero dahil hindi sineryoso ng estado ang pagpapatupad nito, dalawampu’t siyam na indibiduwal lamang ang nahatulan sa loob ng pitong taon. Nalagpasan na po natin iyan, dahil umabot na sa tatlumpu’t isang human traffickers ang nahatulan sa ating administrasyon.
PNoy: Dumako po tayo sa trabaho. Dagdag-trabaho ang unang panata natin sa Pilipino. Ang 8% na unemployment rate noong Abril ng nakaraang taon, naibaba na sa 7.2% nitong Abril ng 2011. Ang resulta po natin: Isang milyon at apatnaraang libong trabahong nalikha nitong nakaraang taon.
PNoy: Dati, nakapako sa pangingibang-bansa ang ambisyon ng mga Pilipino. Ngayon, may pagpipilian na siyang trabaho, at hangga’t tinatapatan niya ng sipag at determinasyon ang kanyang pangangarap, tiyak na maaabot niya ito.
PNoy: Ngayon pa lang, nagtatagpo na ang kaisipan ng DOLE, CHED, TESDA, at DEPED upang tugunan ang isyu ng job mismatch. Susuriin ang mga curriculum para maituon sa mga industriyang naghahanap ng empleyado, at gagabayan ang mga estudyante sa pagpili ng mga kursong hitik sa bakanteng trabaho.
PNoy: Ngunit aanhin naman po natin ang mga numerong naghuhudyat ng pag-asenso ng iilan, kung marami pa rin ang napag-iiwanan? Ang unang hakbang: tinukoy natin ang totoong nangangailangan; namuhunan tayo sa pinakamahalaga nating yaman: ang taumbayan.
PNoy: Inaasam po natin na bago matapos ang 2012, tatlong milyong pamilya na ang mabibigyan ng puhunan para sa kanilang kinabukasan.
PNoy: Naglalatag po tayo ng pagbabago upang mas mapatibay ang pundasyon ng maaliwalas na bukas para sa lahat. Malawakang pag-unlad at pag-asenso ng lahat: Iyan po ang panata natin. Walang maiiwan sa tuwid na landas.
PNoy: Tumungo naman po tayo sa ARMM. Ang dating sistema: Nagbabatuhan lang ng huwad na utang ng loob ang mga baluktot na kandidato. Walang humpay na paghihirap, at walang pag-asa ng pag-asenso.
PNoy: Gusto nating maranasan ng ARMM ang benepisyo ng tamang pamamahala. Kaya ang solusyon: synchronization. Dahil dito, kailangan nilang tumutok sa kani-kanilang mga kampanya; magiging mas patas ang labanan, at lalabnaw ang command votes.
PNoy: Wala akong duda sa kahihinatnan ng mga repormang inilatag natin. Hindi po tayo nagbubukambibig lang; may kongkretong resulta ang ating mga paninindigan.
PNoy: Kapag sinabi nating tuwid na daan, may katapat itong kalsada sa Barangay Bagumbayan sa Sta. Maria, Laguna. Kapag sinabi nating malinis na pamamahala, may dadaloy na malinis na tubig sa mga liblib na lugar gaya ng nasa Barangay Poblacion, sa Ferrol, Romblon.
PNoy: Kapag sinabi nating liwanag ng pagbabago, titiyakin nating may liwanag na tatanglaw sa mga pamayanang dati ay nangangapa sa aandap-andap na gasera, gaya ng ginawa natin sa Barangay San Marcos, sa Bunawan, Agusan del Sur. Ganito na ang nangyayari sa marami pang ibang lugar; pinipilit nating ito rin ang mangyari sa kabuuan ng Pilipinas.
PNoy: Nakatutok na po ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno; nag-uugnayan at nagtutulungan sila upang maabot at mapabilis ang mga solusyon sa mga problemang kaytagal nang pinapasan ng bayan.
PNoy on flood problem: Isa sa mga solusyong pinag-aaralan ay ang gawing kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ang pagbabantay ng puno.
PNoy: Pinag-aaralan na rin po ng DOST at UP ang pagkakaroon ng monorail system, para tugunan ang problema sa pangmalawakang transportasyon.
PNoy: Ang mga dating sumisiksik sa siyudad para maghanap ng trabaho, maaari nang tumira sa malayo, nang hindi pahirapan ang biyahe.
PNoy: Uulitin ko po: ang mungkahing ito ay galing sa kapwa natin Pilipino, para sa Pilipinas.
PNoy: Ngayon, sinasabi ko sa inyo: pinapangarap natin ito, kaya natin ito, gagawin natin ito. Hindi ba tayo nagagalak, Pilipino tayong nabubuhay sa ganitong panahon?
PNoy: Sa kabila ng lahat ng ito, huwag po sana nating lilimutin: masasayang lang ang lahat ng ating narating kung hindi tuluyang maiwawaksi ang kultura ng korupsyon na dinatnan natin.
PNoy calls on LGUs: Kabilang po ako sa mga sumasang-ayon na kayo ang pinaka-nakakaalam sa pangangailangan ng taumbayan sa inyong mga lungsod at munisipyo. Makakaasa po ang ating mga LGU sa higit na kalayaan at kakayahan, kung makakaasa rin tayong gagamitin ito sa tuwid na paraan, at isasaalang-alang ang kapakanan ng buong sambayanan.
PNoy: Kailangan pong manatiling magkatugma ang ating mga programa. Wakasan na po sana natin ang agendang nakatuon sa susunod na eleksyon lamang, at ang kaisipang isla-isla tayong maihihiwalay ang sariling pagsulong sa pag-unlad ng bansa.
PNoy: Malaki ang pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa ng mga batas ukol sa GOCC Governance, ARMM Synchronization, Lifeline Electricity Rates Extension, Joint Congressional Power Commission Extension, Children and Infants’ Mandatory Immunization, at Women Night Workers.
PNoy: Bukas na bukas po, ihahain na namin sa lehislatura ang budget para sa susunod na taon. Umaasa po ako na muli kayong magpapakitang-gilas, upang tuluyan na nating mapitas ang bunga ng mga naitanim nating pagbabago.
PNoy: Simula pa lang ito. Marami pa tayong gagawin.
PNoy: Layon nating bigyan ng kaukulang kompensasyon ang mga biktima ng Martial Law; ang pagkakaloob ng makatarungang pasahod at benepisyo para sa mga kasambahay; at ang pagpapatupad ng isang mas maayos na sistema ng pensyon para sa mga kawal.
PNoy: Sinusuportahan din natin ang pagpapalawak ng sakop ng scholarship na ipinagkakaloob ng DOST sa mahuhusay ngunit kapuspalad na mag-aaral; ang pagtataguyod ng pinaigting na pangkalahatang kalusugan; at ang pangangalaga sa ating kalikasan at sa mga pasilidad na titiyak sa kaligtasan ng mga mamamayan sa oras ng sakuna.
PNoy: Kabilang din po sa ating agenda ang pagpapalakas ng BuCor, ng NBI, ng NEA, at ng PTV 4, upang sa halip na mapag-iwanan ng kaalaman at panahon, mas maayos nilang magagampanan ang kanilang pagbibigay-serbisyo sa publiko.
PNoy: May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po: Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama, at ang pagpapanagot sa mga gumagawa ng mali—sino man sila.
PNoy: Personal dapat ito sa ating lahat, dahil bawat Pilipino ay biktima nito.
PNoy: Ang mali—gaano katagal man ito nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng “Oks lang, wala lang iyan.” Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit ang mga kamalian ng nakaraan.
PNoy: Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala, parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng masama na kung pwede, ulitin ninyo ang ginawa ninyo.
PNoy announces appointment of former Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales as the new Ombusdman.
"Ngayon, may pagpipilian na siyang trabaho, at hangga't tinatapatan niya ng sipag at determinasyon ang kaniyang pangangarap, tiyak na maabot ito" - Pres. Aquino
PNoy on new Ombudsman Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales: Magkakaroon tayo ng tanod-bayan na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa pamahalaan. Tapos na rin po ang panahon kung kailan nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag tayo ang nagsampa, matibay ang ebidensya, malinaw ang testimonya, at siguradong walang lusot ang salarin.
PNoy: Buo ang kumpiyansa ko na tinutupad ng DOJ ang malaki nilang bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo na sa mga kaso ukol sa tax evasion, drug trafficking, human trafficking, smuggling, graft and corruption, at extrajudicial killings.
PNoy: Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting pamamahala ay nanganganak ng mabuti ring resulta.
PNoy: Tinutuldukan na po natin ang wang-wang: sa kalsada, sa gobyerno, sa kalakhang lipunan.
PNoy: Batid ko po na hanggang ngayon ay may kakaunti pang nagrereklamo sa ating estilo ng pamamahala. Nakita po ninyo ang aming estilo, at ang kaakibat nitong resulta. Nakita po ninyo ang estilo nila, at kung saan tayo nito dinala. Sa mga taong bukas ang mata, maliwanag kung saan ang tama.
PNoy: aaalala ko nga po ang isang ginang na lumapit sa akin noong kampanya; ang babala niya, “Noy, mag-iingat ka, marami kang kinakabangga.”
PNoy: Tao po akong may agam-agam din. Pero wala po akong alinlangang tumahak sa tuwid na daan: Buo ang loob ko dahil alam kong nasa likod ko kayo.
PNoy: Salamat po sa mga pari at obispo na masinsinang nakikipagdiyalogo sa atin, katulad nina Cardinal Rosales at Vidal. Di naman po kami ganoong kalapit ni Cardinal Rosales, pero naniniwala akong ibinuhos niya ang lahat para mabawasan ang hindi pinagkakaunawaan ng gobyerno at simbahan
PNoy: Salamat din po sa ating Gabinete, na walang kinikilalang panahon ng tulog o pahinga, maipatupad lang ang pambansang agenda. Special mention po ang PAGASA, na tunay na ngayong nagbibigay ng maaasahang babala.
PNoy: At sa mga nasasagasaan po natin sa landas ng katapatan at integridad sa pamamahala, ito naman po ang aking masasabi: Pinili ninyo ang landas kung saan naaapi ang sambayanan. Pinili naman namin ang landas na ipagtanggol ang taumbayan. Nasa tama po kami; nasa mali kayo. Sa inyong magbabalik ng pang-aapi sa sambayan, hindi kayo magtatagumpay.
PNoy: Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na daan: Kayo ang lumikha ng pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing mas maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino.
PNoy: Lumikha po kayo ng gobyernong tunay na nagtatrabaho para sa inyo. May limang taon pa tayo para siguruhing hindi na tayo babalik sa dating kalagayan. Hindi tayo magpapadiskaril ngayong napakaganda na ng resulta ng ating sinimulan.
PNoy: Tama na ang unahan, tama na ang tulakan, tama na ang lamangan, dahil lahat naman po tayo ay makakarating sa minimithi nating kinabukasan.
PNoy:Tapusin na po natin ang kultura ng negatibismo; iangat natin ang kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon.
PNoy: Itigil na po natin ang paghihilahan pababa. Ang dating industriya ng pintasan na hindi natin maitakwil, iwaksi na po natin. Tuldukan na po natin ang pagiging utak-alimango; puwede bang iangat naman natin ang magaganda nating nagawa?
PNoy: Kung may nakita kang mabuti, huwag kang magdalawang-isip na purihin ito. Kapag nakita mo ang pulis sa kanto, nagtatrapik nang walang kapote sa ilalim ng ulan, lapitan mo siya at sabihing, “Salamat po.”
PNoy: Kung magkasakit ka at makita mo ang nars na nag-aruga sa iyo, sa halip na magserbisyo sa dayuhan kapalit ng mas malaking suweldo, sabihin mo, “Salamat po.”
PNoy: Bago ka umuwi galing eskuwela, lapitan mo ang guro mong piniling mamuhunan sa iyong kinabukasan kaysa unahin ang sariling ginhawa; sabihin mo, “Salamat po.” Sa aking guro, Salamat po Ginang Escasa.
PNoy: Kung makasalubong mo ang iyong kinatawan sa kalsadang dati ay lubak-lubak, at ngayon ay puwede nang daanan nang maaliwalas, lapitan mo siya at sabihing: “Salamat po.”
PNoy: Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang aking Boss na nagtimon sa atin tungo sa araw na ito: maraming, maraming salamat po sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon.
PNoy conlcudes his speech: Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino.
No comments:
Post a Comment